A

 
(Below is an excerpt from my Tagalog novella “A”.)

Nagising si Andrew isang madaling araw, mga alas-tres o alas-kuwatro, na pawis na pawis. May pagkabugnot sa kanyang kilos at mukha, na maaaninag dahil sa ilaw sa poste sa kalsada na tumatagos sa salamin ng bintana, agad na inapuhap ng kanyang kamay sa gitna ng madilim na kwarto ang desk fan na nasa tabing kanan ng uratex na kutsong nakasalampak sa sahig. Hindi nya nakasanayang matulog sa madilim nang lumalaki at kahit ngayon na trenta anyos na sya. May nakikita raw sya na kung anu-ano kapag walang ilaw—mga pusang itim, mga ibong itim, mga taong kulay itim, mga kaluluwang kulay itim; ito palagi ang kanyang kwento sa mga kamag-anak at kaibigan na lahat ay agad na nagtatawanan dahil imposible raw na makakita ng mga itim na nilalang o bagay sa isang lugar na nababalot din sa kulay itim. Pero nagbago ito simula noong isang linggo. Mali, pilit nyang binago ang sarili. Pinilit nyang harapin ang takot at matulog sa madilim na kwarto simula nang magsama sila sa isang bubong ni Aries, na hindi nakatutulog nang may nakasinding ilaw.

Ipinihit ni Andrew ang bilog na bagay sa likod ng bentilador pero walang hanging lumabas. Isa pang pihit para sa kasunod na numero; wala pa rin. Sa huling pagkakataon ay inikot ni Andrew ang maliit na ikutang iyon, na sa lakas nang pagkapihit ay halos kumalas sa kung saan ito nakadikit, pero wala pa ring hangin. Sa bwiset at init at pawis na ayaw na ayaw nyang nararamdaman sa katawan ay nagpakawala sya ng isang nakatutulig na sigaw sa mumunting mga oras na yon, na pinagsisihan nya agad-agad dahil sa iskandalong maaaring maidulot nito sa mga kapitbahay at sa mga nagtutulog-tulugang mga manok ni Mang Apog sa likod ng inuupahan nilang bahay ni Aries. Katakataka at sira agad ang bentilador na isang linggo pa lang nila nabibili. Pero mas katakataka ang walang katapusang katahimikan at ang walang kumosyon o reaksyon sa kwartong iyon sa kanyang malakas na sigaw. Wala si Aries! Mabilis ang kanyang utak. Si Aries na sa kaunting kaluskos ng mga butiki at halinghing ng mga naglalampungang pusa sa kung saan man sa Cubao (nasa Antipolo sila) ay bumabalikwas nang tayo mula sa kanyang hinihigaan.

Mabilis na umusog si Andrew sa kaliwa ng kama para patunayang mali ang kanyang hinala. Sa gitna ng dilim ay wala syang nakapa, tila pinaglaro lang nya ang kamay sa kawalan. Wala ang mga binting gustung-gusto nyang dumadantay sa kanya at ang matipunong dibdib na agad nyang hinahagilap para roon muli isubsob ang kanyang mukha sa ilang segundong pagkaalimpungat. Sa ganitong posisyon—ang kanyang mukha sa dibdib ni Aries, ang kanyang brasong nakapulupot kay Aries habang ang mga braso ni Aries ay nakataas sa ulo ng kama—ay naaari ni Andrew ang kabuuan ng nobyo at buong laya nyang naipadadama ang kanyang pagmamahal dito. Ito rin ang posisyong nagbibigay laya sa amoy ng kilikili ni Aries na lalong humehele kay Andrew para sa mas mahimbing na pagtulog. Sa loob nang nagdaang isang linggo ay ito ang posisyong nakasanayan nilang dalawa tuwing nagpapahinga sa gabi. Kaya lang ngayon, sa loob nang halos sampung mabilis na minutong lumipas, isang malakas na suntok ng pag-aalala sa kanyang dibdib ang tila nagpa-plakda sa kanyang ulirat dahil sa posisyong hindi nya mabalikan at sa taong hindi nya mahagilap. Ito na ba ang araw na pinakakinatatakutan ko? Ito kaya ang dahilan kung bakit kagabi ay mas pinili nyang matulog na walang anumang seremonya? Ito na kaya ang katapusan, ang patunay na natatapos at may hangganan ang lahat? Ito ang mga kadramahan ni Andrew na bumulyaw sa kanyang pawis na pawis na utak, mga bulyaw na hindi pinansin ng tila natuyo nyang brain cells.

“Drew, gising,” ang maiksing basag ni Aries sa katahimikan kasabay nang nag-uumpisa nang pagtilaok ng mga tandang sa kabilang bahay at pag-click ng switch ng ilaw na nasa may tarangkahan ng pinto. Hindi bumukas ang ilaw. Tangan-tangan ang isang papel na supot na inilagay nya sa maliit na lamesa sa may bintanang buong pagmamadali nyang ibinukas nang todo, nakipag-usap si Aries sa isang taong hindi nya nakikita at hindi nya siguradong nakikinig sa kanya: “Pandesal at keso. Wala ng kape kaya bumili na rin ako.”

“Kabibili ko lang kahapon ng kape, meron dyan sa bag ko,” ang mabilis na tugon ni Andrew sa boses na kaswal at hindi nag-aalala—sinadya nya ito. Ngayo’y sigurado si Aries na matagal nang gising si Andrew. Oo nga, bakit ba kasi sa bag ko inilagay ang kape? Pagtitipid ba ito, o simpleng pagkalimot? Hindi sigurado si Andrew.

“Mainit, hindi ako makatulog. Parang sira yung bentilador,” si Aries uli. “Sira rin yata ang switch ng ilaw.”

Ibinangon ni Andrew ang ulo at itinuon sa direksyon ni Aries ang kanyang mata, na bumagtas sa direksyong iyon sa tulong ng manipis na ilaw mula sa labas, matapos na maseguro sa sarili na hindi nya kayang pigilin ang pananabik sa kanyang dibdib. Pero pinigil pa rin nya ang katawan na gawin ang panunudyo ng utak. Gusto nyang yakapin si Aries, at hagkan, at yayain na gawin ang bagay na hindi nila nagawa bago natulog kagabi. Nanatili syang nakahiga para makiramdam. Bakit parang may gusto syang sabihin sa akin? Isa lamang ito sa mga sapot sa utak ni Andrew. Mga ilang segundo pa lang ang nakalilipas simula nang dumating si Aries at hanggang makapasok sa bintana ang isang ihip ng hanging nakita nyang nagpalipad sa isang pirasong papel na nakakalat sa sahig nang biglang mahulog mula sa langit ang sagot.

“Wala na kami ni Anne,” ang maiksi at maliwanag na putol uli ni Aries sa katahimikan.

Bigla-bigla ay bumulalas ang mga salita sa bibig ni Andrew na labis na ikinabigla mismo ni Andrew: “Naku, kelan pa?” sa tono at tunog na may pag-aalalang alam nya ay hindi isang daang porsyentong para sa nobyo dahil ang mas malaking bahagi nito ay para sa kanyang sarili. “Sayang naman ang limang taon. Paano na si Alfie?”

“Si Alfie, dadalhin ng mama nya sa Australia.” Si Alfie ay ang tatlong taong gulang na batang lalaking bunga nang limang taong pagmamahalan nina Aries at Anne. “Hindi ko yata kayang mawalay sa anak ko.” Isang hithit sa sigarilyo ang isinunod ni Aries at isang buga ng usok ang kanyang pinakawalan pagkatapos, ang usok na tila hindi alam kung saan pupunta.

Nakahiga pa rin sa kama, nakinig lang si Andrew sa sumunod na mga pangungusap.

“Habang buhay ko nang di makikita ang anak ko,” may pagkabalisa sa mahinahong boses ni Aries. Sa mumunting mga oras na iyon ay maririnig ang unti-unting paglakas nito: “Wala silang karapatang ilayo sa akin ang anak ko. Pero wala akong magawa. Inutil, inutil ako!” Hindi ka inutil, Aries. Pinatunayan mo ito sa akin sa napakaraming gabi. “Ako ang pinakainutil sa lahat ng inutil! Tang-ina! Wala akong kwentang tatay!” Mas mahina ito sa sigaw ni Andrew kanina pero ang laman nito ay umalingawngaw sa bawat sulok ng tahimik at madilim na kwartong iyon, o marahil maging sa kabilang kwarto. Hindi sigurado si Andrew kung sinadya ni Aries na ilakas ang kanyang boses para mapagtakpan ang humihina nyang kumpiyansa sa sarili, ang mas malakas na paghagulgol ng kanyang damdamin.

Hindi alam kung matutuwa sa hiwalayan ng mag-nobya, o malulungkot sa pagiging bahagi nang hiwalayan ng dalawang taong totoong nagmahalan at nabiyayaan pa ng isang supling sa loob nang limang taon, o mabu-buwiset sa lungkot at panghihinayang na mababasa sa tono at tunog ng boses at damdamin ni Aries, agad na tumayo si Andrew mula sa kama at lumapit kay Aries na noo’y nakaupo sa nag-iisang upuang nakasandal sa nag-iisang binata sa kwartong iyon. Lumuhod sya sa harap ni Aries at tumingin sya sa mga mata nito, pinilit nya itong gawin kahit madilim. Sa unang pagkakataon, simula nang maging sila isang taon na ang nakararaan, at sa halos isang linggong pagsasama nila sa isang bahay, ay nakaramdam si Andrew nang pagkaawa sa nobyo.

Mga limang segundo lang ay lumapit ang kanyang kamay sa maamong mukha ni Aries na higit na nagmukhang matikas dahil sa manipis na bigote at sa buhok na nagsisimula nang kumapal sa baba nito. Dahan-dahan pero may pananabik na hinila ng kanyang kamay ang mukha ni Aries papunta sa kanyang sumasalubong na mukha, patungo sa kanyang labi. Nag-untugan ang kanilang ilong. Binigyang laya ni Aries si Andrew na gawin ang gusto. At noon nga, nang magdikit ang kanilang mga labi, ay agad na nagyakapan ang kanilang dila, isang mahigpit, nag-iinit, at galit na galit na yakap, habang ang kanilang kamay ay nasa batok ng bawat isa. Nang magsumpong ang kanilang mga labi ay ayaw nang kumawala pa ng mga ito sa isa’t isa at naging tila isa ang kanilang dalawang ulo, na hindi kayang hatiin sa dalawa nang anumang sandata. Nang kahit na anong init ng pahanon… nang pawis sa kanilang katawan.

Ilang segundo itong tumagal, o ilang minuto—tumakbo ang orasan na hindi nila namalayan. Sa loob ng kwarto ay mas naging kabanas-banas ang hangin, kung meron man, na hindi nila pinansin. Si Andrew ang unang kumalas sa sumpungang ito; inilayo ang kanyang mukhang hinabol pa ng mga nakangusong labi ni Aries, para muling pagmasdan ang mukha ng nobyong noo’y hayok na hayok na leong napalilibutan ng mga babaeng leon sa panahong takda ng kalikasan.

Sa gitna ng kadiliman at kaunting ilaw na pumapasok sa kwartong iyon, muli ay tinitigan ni Andrew ang mukha ni Aries, pinag-aralan nya ang bawat kurba ng mahaba nitong pilikmata, ang bawat hibla ng makapal nitong kilay, ang moreno nitong mukhang inihulma ng sapat na buto sa kanyang panga, ang labi nito na makapal at mapula kahit sa dilim, at ang matangos nitong ilong na parang isang bagay na may buhay, isang sandata na may sariling buhay.

At pagkatapos ay tumayo si Andrew. Halos kasabay nang pagtayo ni Andrew ay ang paghila nya sa mukha ni Aries para isubsob doon sa kanyang puso. Niyakap ni Andrew ang mukha ni Aries nang mahigpit, habang ang isang kamay nya ay humihimas sa buhok ni Aries na puno ng clay mud. Isang halik at tingin at yakap na sumisimbolo sa pinakamagandang damdamin, isang larawang nagsasabing hindi mali ang desisyon nilang dalawa, at kung sakaling mali man ito ay magkasama nila ni Aries na haharapin anuman ang kahantungan nito, at sabay silang magdadasal at aasa at kikilos para sumapat ang kanilang pagmamahalan para maitama ang pagkakamali sa kahit na anong paraan.

“Mas mahal kita ngayon at hindi kita iiwan,” ang mahinang bulong ni Andrew na ang ulo’y nakapaling na para maabot ang tainga ni Aries. Isa iyong mahinang bulong na hindi nya alam kung narinig ni Aries, pero, para sa mga maitim na nilalang at kaluluwa na noo’y sumasaksi sa lahat ng pangyayaring naganap na, nagaganap, at nakatakdang maganap pa na mas mainit pa sa pinakamainit na panahon, isang nakatutulig na mensahe ng tunay na pagmamahal sa kanyang taong minamahal.

Tuluyan nang hinubad nina Andrew at Aries ang natitirang saplot sa kanilang katawan (si Andrew, ang kanyang white brief; si Aries, ang kanyang white sando at white basketball shorts at white boxers), at parang mga ibong mabilis na itinapon ang kanilang mga hubad na katawan sa isang malambot na pugad. At habang nakakalat ang brief, sando, basketball shorts, at boxers sa sahig, at habang gumagalaw ang kama kasabay nang paggalaw ng kanilang mga katawan sa ibabaw nito at nang kanilang lumalakas na ungol sa saliw ng koro ng tilaok ng mga manok, ng tik-tik ng mga butiki, ng huni ng mga ibon, ng pagaspas ng mga dahon ng mga punong kawayan at lagaslas ng sapa sa likurang bahay, ng busina at tunog ng mga sasakyang tila nag-uunahan sa kalsada, ng boses ng mga sumisigaw ng ‘Taho!’ at ‘Pandesal!’, ay unti-unti namang sumisilip sa bintana ang nanunukso at nakangiting si Haring Araw.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s